Isang paghamon sa kakayahang gumamit ng matatalinhagang salita sa paglalahad ng kabalbalang kwento Unang Yugto: "Ako si Tirisa" Dear Ate Charot, Itago mo na lang ako sa pangalang Ma. Tirisa Cristina Femingca y Mendosas Kwerto Pulko Piryud. Tirisa por short. Normal lang ang aking buhay-isang ulirang ina na may pagmamalasakit sa kanyang mga anak. Tahimik at maayos ang makina ng aking buhay hanggang sa kinalikot ito ni Arnulfo. Nagkakilala kami ni Arnulfo sa isang punerarya habang kasalukuyan akong lumuluha at lubos na nagdadalamhati sa yumao kong kaibigan na anak ng syota nung tambay sa kanto na kerida ng kumpare nung manikurista ng kasamahan sa trabaho nung dati kong textmate. Tumabi kasi siya sa akin at humagulgol din. Sa una ay umuungol lang siya hanggang sa sinisigaw na niya yung lyrics nung kantang Paglisan. Natigilan, nairita, ngunit namangha ako sa kanya. Tinanong ko siya noon kung kaano-ano niya ang namatay. Sabi niya ay nanay daw niya iyon. Nagulantang ako sa aking narinig dahil napakabata naman ata ng kaibigan kong ito para magkaanak. Pitong taon gulang palang may anak na? Itinanong ko kung sigurado siyang tama ang kanyang napuntahang burol ngunit ibinalik lamang niya sa akin ang tanong pero ibinalik ko ulit sa kanya at ibinalik niya ulit sa akin at binalik ko ulit sa kanya. Mga isang oras kaming nagbabalikan. Ako ang unang bumigay at sinabing kalaro ko sa tumbang-preso ang nanay niya.
3 parts