Sabi nila, kapag mahal mo ang isang tao, gagawin mo ang lahat ng paraan upang masuklian din niya ang pagmamahal mo. Subalit sadyang may mga bagay na hindi ipinipilit, lalo na kung sa simula pa lamang ay mali na ang dahilan at taliwas sa tama ang pamamaraan. Lihim na minahal na ni Rissa ang kinakapatid na si Jason sa unang pagkakataon na nasilayan niya ito. Sa kabila ng katotohanang hindi siya mamahalin ni Jason sa paraang ninanais ng kanyang puso, ang pagmamahal na iyon ang nagtulak sa kanya upang gumawa ng isang malaking hakbang na labis palang ikadudurog ng kanyang puso. Paano niya ibabangong muli ang kanyang sarili kung walang nais gawin ang kanyang puso kundi ang mahalin ang lalaking hindi kayang suklian ang kanyang pagmamahal? Ang lalaking dahil sa kanyang ginawa ay abot-langit ang naging pagkasuklam sa kanya?