Umiidlip ako nung oras na 'yon, tirik na tirik ang araw at nagliliyab ng buong lakas. Hindi ko na nakayanan ang sakit mula sa paghapdi ng aking balat kaya unti-unti kong minulat ang aking mga mata, ramdam na ramdam ko pa rin ang pagod at pagkaantok. Naaninag ko ang pigura ng isang lalaki. Sinubukan kong i-adjust ang aking paningin. Nang ito'y naging malinaw ay naaninag ko siya... Si Brendan. Isa sa mga sikat na estudyante sa aking paaralan at aking ding kaklase. Tahimik lang siya at talagang reserba ang kanyang ugali. Hindi ko siya gaanong kilala dahil magkaiba naman ang aming circle of friends. Naglakad siya ng tahimik lamang pero kita sa mukha niya ang pag-aalala. Unang beses ko lang makita ang ganung ekspresyon sa kanyang mukha. Dahan-dahan niyang binaba ang kurtina ng aming silid-alaran. Nag-iwas ako ng tingin. Hindi ko alam kung bakit pero kinakabahan ako. Kinakabahan akong mag-tama ang aming paningin at malaman niyang tinititigan ko siya. "Ayan. Pesteng araw naman 'yan. Balak ba niyang sunugin ang balat mo? Kita namang mahimbing kang natutulog." napabuntong hininga siya Nanindig ang balahibo ko nang marinig ang kanyang malalim at medyo namamaos na boses. Pabulong lang niya ito sinabi pero narinig ko 'yon. "Sana tumigil na lang ang oras at habang-buhay nalang kita titigan. Ang ganda mo talaga." Tumibok ang puso ko. Napahawak tuloy ako sa aking dibdib, nagbabasakaling tumigil ang matinding pagkulabog nito. Tumingin ako sa gawi niya. "Hanna." saad niya habang nakatitig ng malambing sa babaeng natutulog sa upuang padayagonal ko. Narinig ko nalang bumagsak ang puso ko sa sinambit niyang pangalan. Akala ko ako. Akala lang pala. *** 10 CHAPTERS + EPILOGUE. NOT DRAMATIC. JUST PURE HEART FLUTTERING.All Rights Reserved