Anghel ang batang babae para sa mumunting mga mata ni Yuri. Pitong taon s'ya nang makilala si Cherry. Ang lahat sa kanya ay puti, ang mahaba at maalon nitong buhok, ang kilay nito, ang mapipilantik nitong mga pilik-mata, pati na rin ang kutis n'ya. Samantalang kasing kulay naman ng kalangitan ang kanyang mga mata, mapayapang bughaw.
Subalit, nasisilayan lamang ni Yuri si Cherry tuwing gabi, kung kailan wala nang araw na matatanaw. Kung kailan yumayakap na ang dilim sa kapaligiran. Kung kailan silang dalawa na lang ang gising. Kung kailan tahimik na ang buong parang na sa kanila'y munting paraiso. Doon lang sila maaaring makisabay sa saliw ng hangin at sumayaw sa ilalim ng buwan.
Hanggang kailan sila tatagal sa ganitong sitwasyon? Hanggang kailan n'ya masisilayan ang anghel na namamataan lamang n'ya tuwing gabi?