Nakita ko ang berdeng bilog sa kaliwang bahagi ng pangalan mo Kinabahan ako't parang pinasok ang sikmura ko ng libo libong paro-paro. Ngunit gumuhit pa rin ang mga ngiti sa labi ko Sapagkat maaari kitang makausap kahit man lang ilang minuto. Pinindot ko ang larawan mong sa ibaba'y may berdeng bilog Biglang lumakas ang pintig ng puso ko at ang pagtibok Bago ko pa man matipa ang mensahe ko para sa'yo Nanigas ang mga kamay ko at para ba itong naging yelo. Nawala ang lakas ng loob ko at umurong ang diwa ko Hindi ko na naituloy ang pagtitipa sa telepono Pinagmasdan ko na lang nang maigi ang mukha mo At sinarili na lang ulit ang totoong nilalaman ng aking puso. Habang pinagmamasdan ko ang mukha mo, meron akong napagtanto Active ka kanina pa, pero ni isang mensahe ay wala ako Hindi mo man lang nagawa na padalhan ako ni 'hi' o 'hello' Nakapanlulumo lang na online ka sa iba, pero hindi sa kagaya ko. Naiinis ako sa sarili ko dahil naiinis ako sa'yo Nagagalit ako kahit wala naman akong karapatan o kahit na ano Hindi kita syota, ni hindi nga tayo mag M.U. Pero nababadtrip ako at sa'yo pa tumibok itong puso ko. Sa'yo pa na iba naman ang nilalaman ng puso Sa'yo pa na wala namang kaalam alam sa nararamdaman ko Sa'yo pa na iba naman ang kausap sa kabilang linya ng telepono At mas naiinis ako dahil hindi ko alam kung sinong Poncio Pilato ang ka-chat mo! Ngunit maliban sa pagkainis, mas nalulungkot ako Dahil alam kong iba ang nagpapasaya sa'yo Alam kong hindi ako ang dahilan ng mga ngiti mo At hindi ako ang kausap mo sa loob ng berdeng bilog na ito.