Labinlimang taon si Amparo nang maramdaman ang unang pag-ibig at matikman ang unang halik. Si Piolo ang kanyang hinangaan, sinamba at pinangarap na makasama habambuhay. Pero mayaman ang lalaki at ayaw ng matapobreng mama nito sa kanya. At nasaktan ang batang puso niya nang iwan siya ni Piolo.
Pagkaraan ng mahigit sampung taon, muling nagkrus ang kanilang mga landas. At kahit isa nang sikat na modelo at sinasamba ng mga kalalakihan ay hindi nagbabago ang epekto ni Piolo kay Amparo. Pero kailangan niyang maging matibay. Kung noon ay muntik nang may mangyari sa kanila, ngayon ay ipinapangako ni Amparo: kahit si Piolo pa ang kahuli-hulihang lalaki sa mundo, hindi niya ipagkakaloob ang sarili rito.
Pero ano ang ginagawa ni Piolo sa kanyang kuwarto? Nakatayo ito sa harap niya. At siya, naghihintay lang sa susunod nitong hakbang...
"I want you to think of me every minute, every hour, every day. I want you to think of just me, wala nang iba. Kasi... kasi ikaw lang din ang nasa isip ko mula pagkagising ko sa umaga hanggang sa pagtulog ko."
Pitong taon nang umiibig si Andrea sa college professor niyang si Erik. At kahit dalawampu't limang taon ang tanda nito sa kanya, hindi naging hadlang iyon upang umasa siya na balang-araw ay mamahalin din siya nito. Hindi rin niya inilihim dito ang nararamdaman niya. Ginawa niya ang lahat upang mapansin siya nito. Naging ganoon ang buhay niya hanggang sa bumalik sa bansa ang kanyang ina at ipagpilitan siyang makipag-date kay Misael, ang architect na nakilala nito sa France. Pinagbigyan niya ang mommy niya dahil naniniwala siyang kahit sino ang ipa-date nito sa kanya ay hindi magbabago ang nararamdaman niya.
Pero hindi pala niya mapapanindigan iyon dahil dalawang linggo pa lang silang nagkakasama ni Misael ay nahulog na ang loob niya rito. At hindi nagtagal ay naging nobyo na niya ito. Malinis daw ang intensiyon ni Misael sa kanya at upang patunayan iyon ay ipinakilala siya nito sa mga magulang nito. At ganoon na lang ang pagkagulat niya nang matuklasan niyang ang ama nito ay walang iba kundi si Erik!