Excerpt from Rotten Writer's Diary about her "Housemate". Ang akala ko normal na madaling araw lang iyon. Pero doon ko pala matutunan kung paano ang magsulat. Alas-tres ng madaling araw. Nagising ako sa alolong ng aso. Pagdilat ng mata ko, napansin ko ang kabilugan ng buwan. Dumungaw ako sa bintana at sinubukan kong tingnan kung ano ang kinakahulan ng aso. Weird. Dito sa block namin, walang may alagang aso kaya nakakapagtaka kung bakit may kumakahol sa madaling araw. Wala naman akong nakitang kakaiba. Napangiti ako ng mapagmasdan ko ang kabilugan ng buwan. Iyon siguro ang kinakahulan ng aso. Naalala ko ang pinanood ko kanina na episode ng La Luna Sangre. isang teleserye sa primetime bida ng kapamilya network. Ngayong gabi pala mag-tra-transform si Malia kaya siguro kumakahol iyong aso. Napatawa ako sa sarili kong Joke. Wala naman ibang tatawa kasi ako lang naman mag-isa dito sa townhouse ko. Napahinto ako ng may narinig din akong tumatawa. Umiling-iling ako. Siguro nag-sleep walk lang ako at nananaginip lang. Kaya bumalik ako sa aking higaan para ituloy ang naputol kong tulog.