Ang magpalipas ng gutom ay masama pero mas masamang palipasin ang nangangayayat na imahinasyon at tuyot na emosyon.
Ito ay koleksiyon ng mga dagling may iba't ibang lasa na papawi sa iyong kagutuman. Basahing maigi. Huwag magmadali dahil ang mga ito ay maikli. Tandaan, ang una'y mapanlinlang at ang huli ang totoong laman. Wala man akong maihahaing pagkain ngunit mayroon naman akong kapirasong hiwa ng buhay. Walang asukal pero makakaramdam ka ng tamis. Walang asim pero ika'y mapapangiwi. Walang sili pero tutulo ang iyong pawis.
Bale, ang koleksiyong ito ay nahahati sa pitong kategorya base sa kanilang lasa --- Matamis, Maasim, Mapait, Maalat, Maanghang, Sakto lang at Walang lasa. Bawat lasa ay may sampung istorya, at sa bawat istorya ay mabubusog ka.
Huwag ka mag-alala, naluto na lahat ng istorya, ihahain ko nalang. Pero ikaw ang bahala kung titikim ka. Alangan namang subuan pa kita? Biro lang.
Muli, ako si Ginoong Andres. Puso ang aking pluma, Dugo ang aking tinta, at Konsensiya ang aking pambura.
Simulan mo nang kumain, este magbasa. Ang tiyan mo'y naririnig kong kumakalam na!