Ang buhay ni Alisa, parang gulong. Hindi dahil sa minsan nasa ibabaw, at minsan nasa ilalim. Kundi, dahil sa daan na tinatahak ng gulong na iyon; may tuwid, may paliko-liko, may patag, may baku-bako. Kung minsan pa ay nahihinto dahil putol ang daan na siyang gumuho, kung kaya kailangan nanaman humanap ng ibang daan, iyong mas matibay, iyong mas madaling baybayin, kahit na pa gaano iyon kalayo. Sa paulit-ulit na pag-ikot ng gulong na iyon sa iba't ibang daang tinatahak, gaano man ito katibay, ay unti-unti rin itong rumurupok, nauupod, nabubutas. Gaano man karahas ang mga balakid na dinaraanan ni Alisa, nakamit niya ang tagumpay. Nakaahon siya sa hirap, naiangat ang pamilya mula sa pagdididil ng asin. Ngunit, hindi siya natutong lumingon mula sa pinanggalingan. May pag-asa pa ba na maitama niya ang lahat ng pagkakamaling nagawa? O patuloy siyang malulugmok sa pagsisisi sa natitirang oras niya sa daigdig?