Sa mundo ng mental health, si Dr. Flynn Vallejos, o mas kilala bilang Dr. FlyVa, ay tanyag sa pagpapagaling ng mga pambihirang kaso tulad ng Dissociative Identity Disorder (DID) at iba't ibang uri ng mental disabilities. Kahit ilang beses na siyang nalagay sa panganib, patuloy pa rin siyang lumalaban para sa mga pasyente niya.
Ngunit sa kabila ng tagumpay niya sa propesyon, may isang babae na hindi niya malimutan sa paglipas ng mga taon-ang kanyang unang pag-ibig noong high school: si Astrideya Viencantador.
Mula sa pagiging isang sikat na aktres, si Astrid ay isa na ngayong sekretarya sa isang malaking kumpanya. Halos gumuho ang mundo ni Flynn nang malaman niyang may anak na ito-isang anak na iniwan at hindi pinanagutan ng ama. Palihim niya itong sinusubaybayan, tinatanong ang sarili kung bakit hindi siya maalala ni Astrid gayong siya lagi ang kapareha nito tuwing high school ball.
Ngayon, may bago siyang kaso na kailangang pagtuunan ng pansin-ang isang isolated asylum na nasa dulo ng bulubundukin ng Cordillera. Kilala ang lugar na ito sa hindi makataong pagtrato sa mga pasyente. Si Dr. FlyVa ang napili upang magsagawa ng imbestigasyon at makalikom ng sapat na ebidensya laban sa mga mapanganib na namumuno roon.
Ang plano ay malinaw na: kailangan nila ng isang tao na magpapanggap bilang pasyente.
At sa hindi inaasahang pagkakataon, ang taong iyon ay si Astrid.
Sabay silang tutungo sa asylum at mananatili roon nang tatlong buwan.
Ito na kaya ang pagkakataon ni Flynn para muling mapaibig ang kanyang unang pag-ibig?
Sabi nga nila, first love never dies.
Pero paano kung ang unang pag-ibig niya ay saksakan ng sungit?
Baka imbes na mahalin siya, siya pa ang mapatay nito.