Ang mga tala ay masisilayan sa maaliwalas na kalangitan. Kasama ng buwan, ito rin ay nagbibigay ng liwanag sa madilim na gabi. Ngunit ang tala, ito rin ay sumisibolo ng pag-asa para sa sanlibutan. Matatandaan na noong ipinanganak ang ating Tagapagligtas, si Hesus, ay nagliwanag ang kalangitan sa pamamagitan ng isang malaking tala. Ito ay sinundan ng tatlong mago upang kanilang masilayan ang Mesias-simbolo ng pag-ibig sa atin ng Poong Maykapal. At dito nagsimula ang kwento ng Pasko. Pag-ibig at Pag-asa, dalawa lamang sa mga sumisimbolo ng mga tala sa karamihan. Pag-ibig, hindi lamang sa sarili, kung hindi para sa mga taong malapit sa iyo. Pag-asa, kahit sa pinakamahirap na pagsubok ay iyong kakapitan. Kagaya na lamang ng mga tala, payapa kung ito ay iyong pagmamasdan. Ngunit sa maririkit at tila kumikislap na pigura nito, nakapagbibigay ito ng ngiti sa kahit sino. Sa iyong pagtingala, makikita mo ang walang katapusang pag-ibig at pag-asa. Dahil sa mga tala, kikislap ang pag-ibig at pag-asa kahit kanino man.