Bata pa lamang ako, lagi ko nang iniisip kung ano ang mangyayari sa sarili kong kasal. Alam kong gawain ito ng mga babae pero nagkakamali kayo. Iniisip din naming mga lalaki kung paano idadaos ang isa sa "most awaited event" sa buhay ng isang tao. Gaya na lang ng kung ano ba ang magandang kulay ng tuxedo o kung anong klaseng kasal ang gusto namin ng mapapangasawa ko. Church wedding? Beach? Garden? Sige lang, kahit ano. Basta ba ikakasal ako sa taong mahal ko. Minsan naman, iniisip ko din kung ano ang pakiramdam nang nakatayo ka sa unahan habang pinapanood ang bride mong naglalakad palapit sa'yo kasabay ng napili niyong wedding song. Kung totoo ba ang mga ipinapalabas sa telebisyon na mapapaiyak ka talaga sa oras na 'yon. Balang araw, matutupad din ang lahat ng ito. Sa tamang panahon ng Diyos, magtatagpo din kami ng babaeng itinakda Niya para sa akin at nangako ako sa aking sarili na mamahalin ko siya't aalagaan hanggang sa huling hininga ko. Paglilingkuran ko siya ng buong puso at ituturing na parang reyna.