Sa puso ng manunulat nananahan ang bumubukal niyang imahinasyon at ang damdaming inuukit ng kanyang walang hanggang kamalayan. Sa pamamagitan ng kanyang mayuming kamay at malikhaing kaisipan ay naisasalin sa panulat ang mga akdang nilililok ng panahon, lipunan, kasawian, pag-asa, at samu't saring inspirasyong nagpapaigting sa kanyang dugo. Nilulunod ng mga salitang ito ang tunay niyang suliranin at hinanakit sa daigdig.
Hindi patas ang mundo para sa tulad niyang manunulat.
Sapagkat gaano man siya maghangad na matunghayan rin ng iba ang kanyang likha, at maramdaman din ang emosyong nakapaloob sa bawat hibla ng kanyang dila, wala talagang pumapansin. Pinaglipasan na ng panahon at unti-unti nang tinutubuan ng amag. Marahil nga'y may mali. Marahil nga'y may kulang. Marahil nga'y may tamang pagkakataon para sa lahat.
Gayunpaman, walang humpay pa rin sa pagpintig ang kanyang puso, at hindi pa rin nagwawakas ang kanyang sariling kwento. Hindi siya titigil sa pagbuo ng mga kwentong magmumulat sa mata ng iba, kahit wala mang magbasa. Patuloy pa rin siya sa pangangarap at pananalig, na sa pagdating ng tamang panahon, ay magisnan rin ang kanyang amaging obra maestra.
(The compiled version of my short stories)