Ito ay kwento ni Eros---isang lalaking hindi nabiyayaan ng mga katangiang kinakailangan upang matawag na gwapo ng mapanghusgang lipunan. Kung may isang maipagmamalaki ang binata ito ay ang kanyang pagiging mapagpakumbaba. Malas lang dahil hindi pwedeng ipagmalaki ang pagiging mapagkumbaba. Nakilala niya sa birtwal na mundo ng texting si Sam. Isang babaeng tila pinaglihi sa bahaghari, watercolors, unicorn at kung anu-ano pang bagay na masarap pagmasdan. Ang babaeng tila may lifetime supply ng pinakamabisang glutathione na mabibili sa online market at may malaking tyansa na mapili at manalo sa isang sikat na artista search sa GMA. Sa hindi inaasahang twist of fate, nagkita, naging magkaibigan at nagkamabutihan ang dalawa. Sa palagay ni Eros may pag-asa siya sa mala-pulot gatang "oo" ng dalaga. May pag-asa nga ba si Eros o naparami lang ang nahithit niyang bulok na repolyo at naghahallucinate? Napapamahal na ba talaga si Sam sa binata o may ginamit lang na mabisang gayuma si Eros na nabili niya sa tindahan nila Aling Mameng? Wala nga ba talagang pinipiling hitsura ang pag-ibig o talagang weird lang ang taste ng dalaga at may fetish siya sa mga lalaking mukhang hindi pa nag-evolve mula sa pagiging Homo erectus? Sa wakas ba'y makakahanap na rin ng tamang pag-ibig ang binata o mas mauuna pang magmahal sa kanya ang pishbol ni Mang Tanyong? Bakit ang dami kong tanong? Abangan.