Nagsimula ang lahat sa digmaan na kinatatakutan ng lahat. Kung saan naglaban ang magigiting na bayani ng Mundong Solarel at ang mga kampon ng kadiliman na hangad lamang ng kapangyarihan at teritoryo. Sa kabila noon, nagwagi ang mga tao ng Solarel ngunit hindi naiwasan ang destruksyon na natamo nito mula sa digmaan. Maraming tao ang napahamak at nawalan ng buhay, kasama na roon ang isang magiting na nagngangalang Celestia, ang tagapaghawak ng kapangyarihan ng liwanag. Sa kanyang huling hininga, ninais niyang magkaroon ng bagong tagapagmana ang kapangyarihan para panatilihin ang balanse sa mundo ng kapangyarihan. Sa kabilang dako ng digmaan - sa isang maliit na bayan na kilala bilang Solaris, nakatira ang isang dalagang nagngangalang Ophelia. Siya ang napiling bagong tagapagmana ng kapangyarihan. Ngunit paano na lang kung ang kapangyarihang liwanag na isa sa mga makakapagligtas ng mundo na ibiniyaya sa dalaga ay siya ring rason ng pagkawala ng pamilya at bayan nito? Tatanggapin ba ni Ophelia ang responsibilidad na nakapatong rito?