Matagal na panahon nang nanahimik ang Bayan ng Mandurugo. Ayon sa mga sabi-sabi ay pinamumugaran ang lugar ng masasamang elemento. Ngunit kamakailan lang ay nagsimula na namang maghasik ng lagim ang kampon ng kadiliman. Lumalaganap ang patayan sa lugar. Ang mga biktima ay natatagpuang wak-wak ang dibdib, nawawala ang laman-loob at pati ang dugo ay tila sinaid ng kung sinumang salarin. Pinaghihinalaang aswang ang may gawa ng lahat dahil sa karumal-dumal na pagpaslang. At ang itunuturong salarin ay ang baklang si Bena at ang dalawa pa nitong kaibigan na sina Thonya at Kyla. Ang mga ito kasi ang huling nakakasama ng mga biktima bago matagpuan ang mga wala ng buhay na katawan. Lingid sa kaalaman ng lahat ay aswang din ang tumapos sa buhay ng mga magulang ni Bena, maging ito mismo ay hindi alam ang tunay na nangyari sa kaniyang mga magulang. Tanging ang kambal lang nitong si Becca at ang pulis na may hawak sa kaso ang nakakaalam sa tunay na nangyari. Paano nga bang lilinisin ni Bena ang pangalan tungkol sa lumalaganap na patayan? Paano kung ang halimaw na pumapaslang sa kasalukuyan ay ang siyang demonyong kumitil sa buhay ng kaniyang mga magulang? Malalaman pa kaya niya ang buong katotohanan o mananatiling lihim na lamang ang lahat? Ano nga ba ang motibo ng salarin sa kaniyang pagpaslang? Dahil lamang ba sa ito ay hayok sa dugo at laman ng tao o baka naman may mas malalim pa itong dahilan.