Isang pagmamahalan na paglalayuin ng kapalaran. Si Flaviana "Biana" Bautista ay ang mukha sa likod ng mga paketa ng tabako at sigarilyo. Ang mukha niya ang naging batayan ng kagandahan sa buong Pampanga. Ang sabi nga sa kanilang bayan ay higit pa siya sa isang artista. Anak siya ng Alkalde ng Bayan ng Lubao, bunso sa tatlong magkakapatid at lumaking may kaya. Sa kabila ng mga parinig ng mga binata sa kanya, kasama ang mga Amerikano at mga anak ng politiko, nagmahal si Biana sa katauhan ng isang litratista na nagngangalang Juanito "Juaning" Isidro. Si Juaning ay tubong San Fernando Pampanga at siyang kilala na magaling na litratista. Sa isang proyekto niya nakilala si Biana na siyang modelo sa bagong tayong pabrika ng sigarilyo sa bayan ng Lubao. Kung ang ibang kalalakihan ay rosas ang binibigay, si Juaning ay isang kwadro ang inialay kay Biana. Mula noon ay naging madalas ang pagku-krus ng landan ng dalawa at nauwi sa pag-iibigan ang una ay pagkakaibigan lamang. Sa mga panahong nagiging maayos ang lahat sa kanila ay sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig at kinailangang sumama ni Juaning sa hukbo ng mga sundalong Amerikano upang lumaban sa mga hapon. Hanggang saan dadalin ng isang pangako ang pag-iibigan na susubukin hindi lamang ng panahon kung hindi ng isang digmaan? Hanggang saan mo panghahawakan ang pangako ninyo na ikaw ay magbabalik?