Ang nobelang El filibusterismo (literal na "Ang Pilibusterismo") o Ang Paghahari ng Kasakiman ay ang pangalawang nobelang isinulat ng pambansang bayani ng Pilipinas na si José Rizal, na kaniyang buong pusong inialay sa tatlong paring martir na lalong kilala sa bansag na Gomburza o Gomez, Burgos, at Zamora. Ito ang karugtong o sikwel sa Noli Me Tangere at tulad sa Noli, nagdanas si Rizal ng hírap habang sinusulat ito at tulad din nito, nakasulat ito sa Kastila. Sinimulan niya ang akda noong Oktubre ng 1887 habang nagpapraktis ng medisina sa Calamba.