KUNG BAKIT UMUULAN
Isang Kuwentong Bayan
Noong unang panahon, wala pang mundo, wala pang araw at buwan, wala pang oras, at wala pang buhay o kamatayan. Mayroon lang dalawang Diyos, si Tungkung Langit, at ang kaniyang kabiyak na si Alunsina.
"Tingnan mo, mahal, lilikhain ko ang santinakpan para sa iyo!" pagmamalaking sabi ni Tungkung Langit.
"Hayaan mong tulungan kita, kaya ko ring lumikha," ang sabi ni Alunsina.
"Huwag kang mag-alala, mahal, ito ang regalo ko sa iyo: ang mga bituin, ang mga planeta, ang buwan, ang mga ulap, at ang hangin."
"Pero makapangyarihan din naman ako, dahil isa akong Diyosa," bulong ni Alunsina.
Ngumiti lang si Tungkung Langit at niyakap si Alunsina. Pagkatapos, tumindig siya nang matikas, huminga nang malalim, at sumigaw nang pagkalakas-lakas sa kawalan.
Lahat ng sabihin ni Tungkung-Langit ay nagkatotoo. Kumalat ang sinag ng bagong likhang araw. Kumislap-kislap ang mga bituin. Umikot ang mga planeta at lumiwanag ang buwan. Humangin nang pagkalakas-lakas.