"Huwag ka nang magtrabaho, Mommy," ungot nito kanina habang nagbibihis siya. "Hindi puwede, anak. Nakakahiya na kay Tito Ariel mo. Siya pa naman ang nagpasok sa akin." "Dati naman, hindi ka nagtatrabaho," ungol pa ni Mickey. "Malaki ka na at hindi na alagain. Kaya puwede na akong magtrabaho. 'Di ba may mga friends ka na nga na ayaw mong ipakilala sa akin?" kunwa ay sumbat niya rito. Alam niya, nagkakaroon na ng crush si Mickey. At kung hindi pa siya ang nag-ayos ng closet nito ay hindi niya madidiskubre ang pinakatagu-tagong picture ng isang babaeng kaedad nito. The girl was cute. Pamilyar sa kanya. Nakakamatay ang irap na ipinukol sa kanya ni Mickey nang tingnan niya ito mula sa repleksyon ng salamin. "Mommy, ha?" Nanggagalaiti ito. "Why deny her, darling? Wala namang problema sa mommy," madiplomasya niyang tugon. "See, you're growing up. One day, sasabihin mo na lang sa akin, you're getting married. Maiiwan na si Mommy. At least man lang may trabaho ako para hindi naman ako masyadong malungkot, 'di ba?" "You mean, you don't intend to get married again?" Nagban¬gon-sigla si Mickey. Natigilan siya. Matagal na nilang hindi napag-uusapan ng anak ang tungkol sa "pag-aasawa" niya. At matagal na ring hindi iyon sumasagi sa isipan niya. Kung hindi pa iyon nabanggit muli ni Mickey ay lubusan na nga niyang nakalimutan ang tungkol doon. "Mickey, hindi natin alam. 'Di ba, there are things that come unexpectedly?" "Basta. Sa akin, walang kapalit si Daddy." "And who told you na papalitan ko ang daddy mo? No one could replace him, Mickey. Pero, 'di ba, we could give love naman to everybody?" "Basta!" Mas may diin ang tono nito. "I don't want you to get married again."