Paano ba takasan ang lahat? Paano ko ba haharapin ang mga problemang animong nagmamadali at sunod-sunod na tumatakbo sa akin? Tama bang takasan ko ito? O harapin ang kinakatakot ko? Nakakalito. Nakakalungkot. Nakakatakot. Pero higit sa lahat, kaya ko ba? Kaya ko bang takasan maski ang pag-ibig? Ang daming tanong na namumuo sa isipan ko. Tatakasan ko ba ito at mamuhay na parang hindi na ako o ipaglaban ito na ikakadurog ko? Ano ba ang kaibahan? Parehas lang namang ikakasira ko. Isa lang naman akong ordinaryong tao na nangangarap nang maginhawang buhay. Gagawin ang lahat upang makatulong at maalis sa kahirapan ang pamilya. Gusto ko nang umalis sa kahirapan at magpakasaya sa kasaganahan. Mawalan o 'di kaya'y mabawasan man lang ng problema. Ano nga ba ang magiging paraan ko? Paano ko na ito tatakasan kung siyang takasan ko ay iniwan na ako. Paano ko maiibabalik ang dati na ang mga hilig ko ang paraan upang matakasan ang delubyong ito? Paano? Matatakasan ko rin kaya ang pag-ibig niya na dati'y siyang paraan ng pagtakas ko? Makakatakas kaya ako sa sakit na naidulot nito? Sana, sana malagpasan ko. Sana... Sana magawa ko. Sana malimutan ko. At sana makatakas ako rito.