Tandang-tanda ko pa 'yung araw na iniwan kami ng aming ama. Isa 'yon sa mga karanasang hinding-hindi ko malilimutan dahil sa sakit na ipinaramdam nito sa akin. Ang aking ama pa man din ang iniidolo ko simula pa noong bata pa ako. Isa siya sa bumuo ng aking pagkatao. Siya lamang ang aking nakakapitan sa mga panahong ako'y lugmok sa kahirapan. Naalala ko pa nga noong bata pa ako, palagi niyang ibinibigay ang anumang gusto ko. Palagi niyang inuuna ang mga kagustuhan ko kaysa sa sarili niya kung kaya't lubusan ko siyang hinangaan. Ngunit hindi ko inaasahan na magbabago ang lahat ng iyon sa isang iglap lamang. Dumating ang araw na ang aming ama ay lumisan nang wala man lang paalam. Noong una, akala ko'y umalis lang siya ng panandalian at babalik din sa aming tahanan, ngunit ilang taon na ang lumilipas, hindi pa rin naming siya nasisilayan. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit niya kami iniwan, ang alam ko lamang noon ay hindi na normal ang mga bagay-bagay sapagka't ang aking mga magulang ay palaging nag-aaway. Sa paglaki ko ay unti-unti ko na ding naiintindihan ang lahat. Sabi ni inay, umalis siya dahil sa ibang babae. Mula noon, unti-unting namumuo ang aking galit sa aking ama, sapagka't kahit sa gabi, naaalala ko kung paano niya kami pinagtaksilan. Sa pagkawala niya, lubos kaming nalugmok sa kahirapan. Ang dalawa kong kuya na sina kuya Eric at kuya Max ang tanging nagtataguyod sa amin ni mama mula noong lumisan siya. Sila ang naging takbuhay ko sa tuwing ako'y umiiyak dahil sa panunukso ng aking mga kaklase, kesyo wala raw akong ama. Hanggang sa isang araw, ako'y nabigla noong mabalitaan kong patay na ang aking mga kuya dahil sa pamilyang nagngangalang Montefalco. Sobrang sakit ang idinulot ng pangyayaring iyon sa akin, kaya ipinangako ko sa aking sarili na bibigyan ko ng karapat-dapat hustisya ang pagkamatay ng aking mga minamahal na kapatid.All Rights Reserved
1 part