Ito ang lahat ng nakasulat sa aking journal noong ako ay naka-admit sa hospital as COVID19 patient. Ang pagsusulat ng lahat ng mga naranasan at naramdaman ko sa loob ng COVID Ward ay nakatulong ng malaki sa pagbuti ng aking physical, emotional at mental health. Ginawa ko rin ito bilang hakbang ko sa pag "move on" pagkatapos ng mga naranasan ko as COVID patient. Sa tulong ng Diyos ay natapos na ang yugtong ito ng aking buhay at sa tulong din ng Diyos ay haharapin ko ang bagong umaga. Taong 2015 nang simulan ko ang aking trabaho sa Hospital. Noong una hindi ko talaga gusto ang magtrabaho sa hospital setting. Para sa akin hospital ang pinaka malungkot na lugar. Maraming mahina, may karamdaman at namamatay sa lugar na iyon. Pero nang kalaunan ay nakasanayan ko narin ang pagtatrabaho ko doon. Hindi ko alam kung ano ba talagang pakiramdam ng mga pasyente sa hospital na pinagtatrabahuan ko. Para sa akin naging isa lang itong workplace na araw-araw kong pinupuntahan. Sa opisina ng Admin Building ako nagtatrabaho kaya hindi ko naman alintana ang mga senario sa hospital wards. Hindi ko akalain na may mangyayari pala na magmumulat sa akin ng mga kaganapan sa loob ng mga ward.