Naniniwala si Prinsesa Earnica na siya ang puputongan ng korona at susunod na mamumuno sa buong kaharian ng Levencia. Ang isa pinakamakapangyahirang kahariaan sa buong Artheria. Bata pa lamang ito ay laging sinasabi ng kanilang amang hari na balang araw ay mamumuno ito at magiging magaling itong Reyna. Kaya gusto nitong makihalubilo sa mga mamamayan ng Levencia para makita kung paano mamuhay ang mga ito, maging mas malapit sa kanila at maintindihan ang mga hinaing ng mga ito kung meron man at kung ano pa ang mga kakailangin ng mga ito. Maliban doon ay bihasa din ito sa paggamit ng salamangka at may angking galing sa paghawak ng sandata. Na nagpalayo sa loob ng kanyang inang reyna dahil naniniwala ito na hindi dapat humawak ng sandata ang isang babae at lalo na ang isang dugong bughaw na kagaya niya, pero kahit na anong gawin niya ay suportado siya ng kanyang amang hari. Ngunit nang dumating ang araw para ianunsyo ang susunod na tagapagmana ng kanilang kahariaan ay ganun na lamang ang gulat nito ng piliin ng kanilang amang hari ang kanyang nakababatang kapatid na si Prinsesa Earlene. Bilang kapalit ay binigyan siya nito ng isang malawak na lupain sa kanlurang bahagi ng kanilang kahariaan. Ayaw man niya ay sumama ang loob nito sa ama dahil hindi niya maintindihan kung bakit hindi siya ang napili. Mas lalong nadagdagan ang kanyang mga alalahanin nang bigla na lamang dapuan ng hindi malamang karamdaman ang kanilang amang hari at naigupo ito sa kanyang higaan. Bigla ring nagbago ang pakikitungo ng kanyang inang reyna at kapatid sa kanya. Ano kaya ang gagawin nito ngayong wala ang kanyang pinakamamahal na amang hari? Ano na ang mangyayari sa kanya?
4 parts