Sa isang iglap, nagbago ang tahimik na mundo ni Luxcia, isang mortal na babae mula sa karaniwang daigdig nang siya'y biglang mapadpad sa mahiwagang mundo ng Irotia, isang lupain na tanging sa mga alamat at panaginip lang umiiral.
Sa mundong ito, namamayani ang mga nilalang na matagal nang nawala sa gunita ng tao. Bampira, aswang, lobo, diwata, mangkukulam, duwende, at mga elfeng mandirigma at marami pang iba. Sinasabing si Luxcia ang pinili ng kapalaran, ang tagapagligtas na tanging makapagliligtas sa Irotia at sa kanyang sariling mundo mula sa isang paparating na kadiliman.
Upang maisakatuparan ang kanyang tadhana, kailangan niyang maglakbay sa pitong makapangyarihang kaharian:
Vandoblade (kaharian ng gabi), Worolof (lupain ng mandirigma), Nanturia (gubat ng kalikasan), Magicolonia (kaharian ng mahika), Atlantaria (Kaharian sa ilalim ng dagat), Aerolia (Kaharian sa kalangitan), at Ferolia (Kaharian ng Apoy).
Sa bawat kaharian ay nakatago ang isang Circle of Power, sinaunang kapangyarihang nagsisilbing susi upang mabuo ang isang puwersang kayang itaboy ang kadiliman.
Kasama ang mga bagong kakampi at kaibigang may kanya-kanyang lihim, haharapin ni Luxcia ang mga pagsubok, pagtataksil, at ang mga misteryong bumabalot sa kanyang pinagmulan.
Ngunit sa isang mundong puno ng hiwaga, sino ang tunay na kakampi? At handa ba siyang harapin ang katotohanan sa likod ng kanyang pagkatao?
Tunghayan ang paglalakbay ni Luxcia sa mundo ng mahika, kapangyarihan, at tadhana.