Ang buhay daw ay isang paglalakbay. Isang pagtahak sa landas na pakay. Sa bawat himpilan ay isang destinasyon - may umiibis at may sumasakay. Mayroong dito nagtatapos ang kanilang biyahe, samantalang sa iba ay pagsimula ng bagong yugto. Sa kaso ni Julian at ni Minda ay isang pamamaalam. Isang kusang namamaalam at isang nagmamaktol na tanggapin ang pamamaalam.
Ito'y dahil sa tawag ng Diyos, ang sinasabing bokasyon. Hindi man naririnig ng tainga, ito'y ramdam sa puso ng kinauukulan. Gayunpaman, ang pagtugon ay hindi naging madali. Madami kasing dapat isaalang alang.
"Father, dalawang bagay po ang bumabagabag ngayon sa aking konsensiya..."
Si Julian kakuwentuhan niya ang kanyang Spiritual Director.
"Nakatanggap po ako ng sulat mula sa dati kong girlfriend. At 'yan nga po ang naging epekto. Una, naramdaman kong muling nabuhay ang pag-ibig ko sa kanya. Ang pangalawa, nag-alala ako sa negatibong nangyayari sa pananampalataya niya. Dahil sa pagkahiwalay naming dalawa, kinamumuhian na niya ang Diyos."
Isang kritikal na desisyon ang dapat niyang gawin bago matapos ang 'retreat' nilang ito. Alam niya na isa siya sa mga mapalad na biniyayaan ng Diyos na magkaroon ng Banal na Bokasyon, ang pagpapari. Ni minsan ay hindi niya pinagdudahan ang sarili. Pero naging mahina siya sa tukso. Natangay siya sa tawag ng laman. Nagkasala siya 'against his vow of chastity'. Pakiramdam niya ay hindi na siya karapat-dapat pang maging lingkod ng Diyos. Nanlilimahid siya sa sariling kasalanan.