Pagod na ako. Pagod na akong mag-isa. Pagod na akong paniwalain ang sarili ko na mayroon akong kasama. Na mayroong tao na handang umupo sa tabi ko para sabihang "mahalaga ka." Pagod na akong intindihin ang lahat ng taong nangako na mananatili sila, pero unti-unting nawawala. Pagod na ako sa mga salitang "masaya akong nakilala kita" pero matapos ang panaho'y nakalimutan na ang bawat nabitawang salita. Pagod na ako. Pagod na ako na isaksak sa kokote ko na mayroon akong kasama. Kasi wala. Wala naman talaga. Pagod na ako. Pagod na akong makitang wala lang ako sa paningin ng iba. Mapagsabihang isa ako sa 'pinaka', yun pala ay pinaka 'walang kwenta'. Pagod na akong makitang masaya ang iba samantalang ako dito ay unti-unting nasisira. Pagod na akong ipaalala sa sarili ko na kailangan kong maging masaya kahit hindi naman talaga. Pagod na ako. Pagod na akong sabihing kaya ko pa. Lalaban pa. Pagod na akong sabihing kaya ko mag-isa, kasi hindi na. Pagod na ako. Pagod na pagod na ako. Pero bakit hindi Ka napapagod?