Bulung-bulungan ngayon sa opisina ang pag-positibo sa virus ng dalawang empleyado. Pero hindi ipinapaalam ng boss namin at ng iba pang mga boss. Hindi raw maaaring malaman ng mga kliyente. Sina Meredith at Jack daw ang mga nag-positibo. Kinabahan ako. Nag-assist pa ako kay Jack ilang araw bago lumabas ang resulta. Isa akong computer technician. At halos lahat ng empleyado ngayon sa kumpanya namin ay in-assist ko dahil lahat naman ay nag-aadjust sa new normal at sa paggamit ng Zoom. Maituturing ba akong first degree contact? Nagsabi ako sa company nurse. "Obserbahan mo ang sarili mo for 14 days. Pag may naramdaman ka, magsabi ka agad," sabi niya. Pinakiramdaman ko ang sarili ko, ayos naman. Wala naman akong sintomas. Tuloy ang trabaho. Tuloy din ang utos ni boss. May ibang empleyado pala na nag-swab test. Nag-quarantine sa mga bahay nila at work from home sila. Bakit hindi ako kasama? "Paano naman magwo-work from home ang isang computer technician?" tanong ng boss ko. Oo nga naman. Tuloy ang trabaho. Ilang araw ang lumipas, sinipon at inubo ako. Nagsabi ako kay boss na hindi muna papasok. Pero ang sabi niya, "Hindi pwede. Kailangan ng technician ngayon." Pumasok ako kahit may sipon at ubo. Ni-report ko sa nurse. "Pinakiusap ng boss mo na huwag kang pauwiin. Essential ka raw ngayon sa kumpanya," sabi niya. Nagsimula na akong lagnatin, pero tuloy ang trabaho. Nagsabi ako kay boss. Uminom lang daw ako ng gamot. Nasusuka na ako. * Ako na ang pinag-uusapan ngayon sa opisina. Isa na namang nag-positibo. "Hindi ka kasi nag-iingat," text ng boss ko. "Paano ka magwo-work from home eh technician ka?" Napa-wow na lang ako habang sinusulat ang resignation letter ko. Essential daw ako. #