Wala na ngang mahihiling pa sa kanyang buhay ang isang Elezalde Victoriano. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa isang Science and Research Center at namumuhay ng normal. May maayos na trabaho at kita, mayroong bahay na 'di kalakihang tinutuluyan, may mga tunay na kaibigan at isang mapagmahal at malambing na kasintahang nagngangalang Selene. Laking pagpapasalamat ni Elezalde sa Maykapal na sa kabila ng lahat ng mga kakulangan sa buhay niya ay mas pinili ni Selene ang sumama sa kanya at iwanan ang marangyang buhay nito sa piling ng mayaman niyang pamilya. Maalaga at mapagmahal si Selene at sinisigurado niyang hindi siya nagkakaroon ng pagkukulang sa nobyo niya. Wala na ngang hahanapin pa si Elezalde kay Selene dahil bukod sa maganda nitong mukha at balingkinitang katawan ay hindi ito humihingi ng anumang materyal na bagay sa kanya, kumbaga ay pagmamahal lang ay sapat na. Subalit sa kabila ng lahat ay hindi nawawala sa relasyon ng dalawa ang away at hindi pagkakaunawaan, na selos ang kadalasang dahilan. Hanggang sa dumating sa puntong kinailangan nang umabot ni Selene sa sitwasyong kaya namang iwasan kung 'di ito nagpadala sa kanyang selos at galit. Isang gabi, nilooban ni Selene ang bahay ni Tracey - isa sa mga babaeng umaaligid at nagpapakita ng motibo sa kanyang nobyo, at buo ang intensyon nitong patayin ang natutulog na dalaga. Kinaumagahan, nabulabog si Elezalde nang mabalitaan ang nangyari. Natagpuang patay at laslas ang leeg ng kaibigan niyang si Tracey sa loob mismo ng kanyang silid. At hindi lang doon nagtapos ang balita, sapagkat 'di kalayuan sa pinangyarihan ng krimen ay may isa pang bangkay ng babae ang natapuan; sinibak ang ulo nito gamit ang isang palakol. Ang babaeng iyon ay si Selene.
7 parts