Iba't ibang tagal ng oras at haba ng panahon ang kailangan upang ang isang sugat ay maghilom. May mga sugat na hindi kana hahayaan pang maghintay ng matagal at hindi kana hahayaan pang mahirapan, mayroon ring kailangan mong pagtyagaan at paglaanan ng oras sa gamutan ngunit may mga sugat na kahit maghilom man ay nag-iiwan parin ng marka. Markang patuloy na magpapaalaala sa iyo ng mga bagay na nagdulot ng labis-labis na kahirapan, mga bagay na kahit ibig mong kalimutan at iwan nalang sa nakaraan ay hindi mo magawa nang lubusan sapagkat may markang nagpapaalala na hindi mo mararanasan ang katagumpayan kung hindi ka muna masasaktan. Iba't ibang uri man ng sugat mayroon ang bawat tao, iisa lang ang paraan upang maghilom ito. Yan ang natuklasan ko habang dinaramdam ang sugat na dulot ng ibang tao. Ako si Gahala at masasabi kong minsan, may kagandahan ring dulot ang markang dulot ng nakaraan na baon parin hanggang sa kasalukuyan.