Malamig na gabi at paligid. Patak ng bawat ulan na kumakawala sa kalangitan at amoy ng kape na nanggagaling sa maliit na coffee machine na araw-araw kong ginagamit sa hindi kalakihan kong Coffee Shop. Dati, sa tuwing aabot ang alas dose ng hating-gabi ay antok ang aking nararamdaman. Ingay ng iilang nagpupuyat na estudyante habang gumagawa ng thesis sa loob ng aking kapehan ang aking napapakinggan at mga taong nagkakape pagkagaling sa magdamag na trabaho ang aking pinagsisilbihan. Hinahainan ng masarap na tinapay at pinagtitimpla ng mainit at malinamnam na kape. Ngunit isang gabi, isang babae ang biglaang pumasok sa 'di kalakihan kong tindahan. Pinagtimpla ko siya ng mainit na kape at tinanong ko siya kung ano ang kanyang pangalan. Kasabay nang pagbagsak ng mga luha niyang iniingatang mahulog ay ang pagbuhos ng malakas na ulan. Rain Shannel Villadiego. Isang babaeng kinakain ng kalungkutan at pag-iisa sa malamig na gabi sa aking kapehan. Hindi, hindi siya nag-iisa. Dalawa kami. Nandito ako, hindi ako aalis. Ako si Kobi Vince Ramos. Sasamahan ko siya sa nakakabaliw na gabi ng pag-iisa habang nagkakape at nakikinig sa kwento na dala niya.