Minsan, may mga saloobin tayong hindi kayang ipahayag, mga damdaming nakakulong sa ating mga puso, lalo na kapag ang tinataglay natin na lihim na pagtingin ay para sa isang tao na tila hindi man lang natin kayang abutin. Kung ako'y tatanungin, napakahirap magmahal ng isang lalaking alam mong hindi ka niya kailan man mapapansin, parang hangal na naglalakbay sa isang landas na walang patutunguhan, naghahangad ng isang pag-ibig na tila hindi para sa iyo.
At kaya, upang kahit papaano'y maibsan ang kirot at sakit na dulot ng pangungulila, napagdesisyunan ko na lamang na magsulat ng isang daang tula. Ang bawat pahina ng aking mga isinulat ay nagsilbing saksi sa aking pagmamahal, na walang kapalit. Sa mga tula, doon ko ipinadama ang bawat hibla ng pag-ibig na walang tugon, at doon ko ipinanganak ang mga salita upang mapawi ang mga sugat ng pusong walang hangganang paghihintay.