Salome, Lumingon ako nang araw na iyon. Umasa akong ikaw ay nakatingin. Ngunit nagpatuloy ka lang sa pagbuburda, sa pagtatagpi-tagpi ng mga piraso ng iyong kwento. Siguro iniisip mo kung anong naghihintay sa'yo sa Mindoro. Kaya lumakad ako palayo, papunta sa direksyon ng palubog na araw hanggang ako'y tuluyan lamunin ng anino ng mga puno na nakapaligid sa aking pupuntahan. Punong-puno ng plano ang aking isipan. Pero lugmok ang aking puso. Mahal kita. At kung alam mo lang kung gaano ko hinangad na makapiling ka sa bawat sandali ng aking buhay, hinding hindi mo pagduduhan ang mga bulaklak kong dala para sa iyo ay ibigay. At ngayon sa ating palalayo, matutulog akong katabi ang pangungulila higit sa takot na ako ay mapaslang ng mga kastila. Magigising na mangangarap na humaba ang gabi, mas masarap ang aking panaginip kaysa sa realidad. Pero hindi dapat mawili ang tao sa panaginip kaya sinubukan kitang alisin sa aking mga panaginip at nilagay sa aking puso katabi ng pag-ibig ko sa bayan. Huwag kang magdamdam sa bayan. Mahal kita, at kung mawala man ako ng tuluyan dahil sa paglaban para sa kalayaan ng unang kong mahal huwag kang magdamdam sa bayan. Dahil kung tutuusin maswerte ka kaysa sa kanya. Naramdaman mo ang aking pag-ibig sa sandaling panahon ng ating pagsasama. Niyakap kita sa lamig ng gabi habang katanaw sa langit na puno ng mga tala. Naramdaman mo ang aking pag-ibig. Pero ang bayan, sino ang magpaparamdam sa kanya ng pagmamahal? Sino ang yayakap sa kanya sa gabi? Sino magpapaalala sa kanya na siya ay maganda sa mga panahong suklam na suklam siya sa kanyang kasaysayan? Ipinaglaban ko lang siya pero kahit kailanman hindi ko pa siya nayakap dahil siya ay nakagapos sa kadenang dala ng mga dayuhan. Mahal kita pero mas kailangan ako ng bayan. At kung sa gagawin kong ito ako'y magtagumpay sana bukas pa ang mga bisig mo para sa aking pag-uwi. Yakapin mo 'ko sana uli. Elias.