Pareho silang masiyahin, parehong maaasahan, parehong laging nandiyan para sa iba, parehong handang harapin ang hamon ng mundo. Para silang sinulid na may parehong kulay, pwedeng pagsamahin, pwedeng itali sa isaʼt-isa kapag ang isaʼy umikli at nag-kulang. Para rin silang mga puzzle pieces, nabibilang sa grupo ng mga piyesa na may kakayahang bumuo ng isang imahe. Mayroon silang isa pang pagkakapareho. Ang isaʼy hindi na halos kailangan ng katuwang dahil sa kasanayan nitong harapin ang mga problema na masyadong personal. Ang isa namaʼy hindi rin tuluyang pinapapasok sa kaniyang buhay ang sinumang hindi permanente sa mundo. Pareho nilang kaya na mag-isa. Paano sila ngayon pagsasamahin? Paano pag-iisahin ang dalawang bagay na pareho ang kulay, pero magkaiba ang laki at hugis?