Si John Paul Ransom ay labing walong taong gulang na FilAm na isinilang at lumaki sa Amerika. Ang kanyang ama ay isang sundalong Amerikano at ang kanyang ina naman ay kailanman ay hindi niya pa nakausap o nakita man lang. Wala siyang ideya kung nasaan ba ito o siya ba ay nabubuhay pa, sa tuwing tinatanong niya ang kanyang ama tungkol sa kanyang ina, ang tanging sinasabi lang nito sa kanya ay pinabayaan sila nito at sumama sa ibang lalaki. Naniniwala si John Paul sa sinasabi ng kanyang ama, ngunit sa loob loob niya, nais niya pa rin makilala ang kanyang ina kahit gaano pa kasama ito para sa kanya sa hindi niya maipaliwanang na dahilan, maaaring marami siyang tanong na gustong itanong sa kanya o kaya gusto niya maglabas ng sama ng loob dito o baka kaya naman ay nasasabik siya sa pagmamahal ng isang ina. Nagdesisyon siyang hanapin ang kanyang ina subalit dalawang bagay lang ang alam niya sa kanyang ina, ang kanyang pangalan na Pilena at ito ay isa Pilipina. Alam niyang mahihirapan siyang hanapin ito at wala ding kasiguraduhan na buhay pa ang kanyang hahanapin, bagamat sa mga balakid na ito tinuloy niya ang paghahanap. Sa pagsisimula ng kanyang paghahanap sa Amerika, marami siyang mga nakasalamuhang mga Pilipino at unti-unti niya na ring nakikilala ang isa niya pang lahing pinanggalingan na tila ba dati ay isang alien sa kanya. Ang alam niya lang dito ay ito ay puno ng kasamaan, tulad ng paghahalintulad ng kanyang ama sa kanyang ina. Isang bansang nalulugmok sa kahirapan at tila wala ng pagasang bumangon pa. Isang bansang kailanman ay wala siyang balak puntahan, ngunit ito ay magbabago dahil sa mga kwento niyang naririnig sa mga OFWs sa Amerika at pati na rin sa kanyang mga kaibigang FIlAm at higit sa lahat dahil sa patuloy niyang paghahanap sa kanyang ina. Sa pagtakbo ng istoryang ito, matutuklasan natin na hindi lang pala si John Paul ang naghahanap. Mayroon din palang naghahanap sa kanya, mga naghahanap.