Sa laro-larong relasyon, paano mo malalaman na unti-unti ka na palang natatalo?
Dalawa ang dahilan kung bakit nag-enrol si Chel Laurel, isang incoming senior high school student, sa open-to-all special program na pakana ng school nila: una, para may advantage na rin siya kapag nag-umpisa na talaga ang klase at, pangalawa, para makasama pa at tuluyan nang umamin sa longtime crush niyang si Harper. Pero minalas kaagad siya dahil imbes na si Harper ang makatabi sa seating arrangement, nakatabi niya ang limot na niyang Grade 3 boyfriend at kalaro, si Ardi Lavarias.
Mas malala? Epic fail ang pag-amin niya nang nalaman niyang girlfriend na ng crush niya si Val, isa sa mga nakaaway ni Chel sa junior high. Para malusutan ang kahihiyan sa harap ng ultimate crush niya, dineklara niyang boyfriend niya ang walang kamalay-malay na si Ardi dahil, technically, hindi naman sila nag-break.
Medyo good news, pumayag si Ardi sa laro-laro nilang relasyon para sa ikatatahimik ni Chel.
Medyo bad news, sa lahat ng laro, may mantataya at may matataya . . . may mananalo at may matatalo.