"NANDITO ka na naman. Lagi ka na lang bumabalik dito sa dati nating tagpuan. Hindi ka ba napapagod o nagsasawa man lang?" kausap ni Jerome kay Jenny habang nakaupo ang dalaga sa upuang inukit niya noon sa malaking puno ng mangga. Nasa ituktok iyon ng burol, hindi kalayuan sa unibersidad na pinapasukan nila. Madalas silang magpunta roon ng nobya tuwing break time upang mag-relax. "Bakit hindi mo maintindihan na tapos na tayo?" muling wika ng binata upang maipabatid dito ang nadarama. Gayunma'y hindi siya sinagot ni Jenny at sa halip ay tumulo lamang ang luha nito sa mata. Nakita niya pang malungkot itong ngumiti at tumingala sa kalangitan. "Nandito na naman ako mahal ko. Nahihirapan pa ring tanggapin ang pagkawala mo," bulong ng dalaga habang hindi nakikita si Jerome sa tabi nito. Nahihirapan ang loob na idinantay ni Jerome ang kamay sa balikat ng minamahal. Subalit tumagos lamang iyon sa katawan ng dalaga. Naikuyom niya ang kamao sa sakit na nadama. "Bakit hindi kita makausap, mahagkan o kahit mahawakan man lang? Paano ako matatahimik kung ika'y nahihirapan?" malungkot niyang sambit habang tahimik na sinusubaybayan ang babaeng minamahal. Lumipas pa ang mga araw na hindi pa rin iniiwan ni Jerome ang dalaga. Hindi matahimik ang binata habang nakikitang hindi masaya ang minamahal. "Jenny!" Sabay silang napalingon ng dalaga sa pinanggalingan ng tinig. Nasa loob sila ng mini garden ng paaralan ng mga sandaling iyon. "Oh, Joel?" tugon ng dalaga nang mapagsino ang dumating. Samantalang siya ay nanlaki ang mga mata nang matitigan ang kakilala ng nobya. Hindi siya maaaring magkamali, hinding-hindi niya malilimutan ang taong nasa harapan dahil ito mismo ang pumatay sa kaniya!Todos los derechos reservados