Bata pa lamang si Mina Terpitt, napansin na niya ang kakaiba niyang tipo sa mga lalaki. Madalas siyang magkagusto sa mga lalaking may pagkakahawig sa mga hayop ng lamang lupa. Subalit sa kabila ng kagandahang taglay, palagi siyang hinihiwalayan ng mga kasintahan. Isa na rito si Jeffrey na mukhang kabayong nabilaukan habang kumakain ng damo, si John na pinagkamalang missing link sa pagitan ng unggoy at ng mga tao, at si Kokoy na mukhang Shokoy. Ngunit ang pinaka masakit niyang pakikipaghiwalay ay nang iwanan siya ni Rodolpo Alpha Magna Marcelino Toto Jr, ang pinakamabait at pinakaPANGET na lalaking nakilala ni Mina sa tala ng kaniyang buhay. Iisa lang naman ang dahilan kung bakit nakikipaghiwalay ang mga lalaki na ito. Kapag kasi tumatabi sila sa dyosang si Mina, nagmumukha silang mga ENGKANTO. Gayunpaman, hindi sumuko si Mina sa paghahanap ng kaniyang lover boy habang kumakanta ng "Humanap ka ng panget at ibigin mo ng tunay." Hanggang sa nakilala ni Mina si detective James Licantara, ang pinakagwapong detective sa balat ng lupa. Ano ang kahihinatnan ng pagsasama ng gwapong si James at ng magandang si Mina? Magkakagustuhan ba ang masungit na detective at ang babaeng die hard fan ng mga Panget?