Batid ni Czarina na sukdulan hanggang langit ang galit sa kanya ni Rorik, kahit hindi man nito ipakita. Naiintindihan niya iyon. Sino ba naman ang matutuwa? Hindi niya naipaglaban sa matapobre niyang ama ang dating kasintahan. Ngayon, bumaliktad na ang mundo para sa kanilang dalawa. Ang dating kargador lamang sa palengke ay isa nang bilyonaryong architect, samantalang ang isang herederang kagaya niya ay namamasukan na lamang bilang isang karaniwang empleyado. Ang isa pang kinaasusuklaman sa kanya ni Rorik ay ang inakala nitong pagpapalaglag niya ng pinagbubuntis niya noon. Ano kaya ang magiging reaksyon nito kung malaman nitong matagumpay niyang naipaglaban ang buhay ng kanilang anak?