POINT OF VIEW SERIES #1: "Magugustuhan mo ba kung naninigarilyo, masakit magsalita at laging sangkot sa gulo?" Kapag naririnig ni Lyndsey Kaye Cañavenar ang ganyang klase ng tanong ay kaagad siyang umiiling. Bakit nga naman niya magugustuhan ang isang tao na sa tingin niya ay mahirap mahalin? Iyong maririnig pa lang niya kung paano ito ilarawan ng mga tao ay talaga namang aayawan na niya kaagad. Hanggang sa dumating si Camilo Adami Baltazar. Siya'y naninigarilyo, masakit magsalita at naging sangkot na sa gulo... kung kaya't sino ang mag-aakala na sa kabila noon ay magagawang tanggapin ni Lyndsey ang binata? Siya lamang ang nag-iisang babae na nagbigay ng maraming bago sa buhay niya, ang nag-iisang babae na naging dahilan kung bakit naisantabi niya ang lungkot, at ang nag-iisang babae na naroon noong mga panahong nangungulila siya. Inakala nilang dalawa na iikot na lamang ang mundo nila sa mga masasayang pangyayari. Inakala nila na katulad ng malayang usok ay kaya rin nilang harapin ang buhay nang magkasama at walang hadlang. Ngunit habang tumatagal ay pareho nilang natanaw ang dulo. At katulad ng kalmadong pakiramdam sa tuwing naninigarilyo, pansamantala lang din pala ang lahat.