Ang buhay daw minsan nakakaranas ng swerte o sadyang pinapalad lang. Pero ang iba naman ay nakakaranas ng kamalasan o kung tawagin nila ay pinagkaitan ng kapalaran.
Alin man sa dalawang yun, si Lulu ay binibilang ang kamalasan niya sa buhay na swerte. Dahil simula pagkasilang na niya ay hindi na ito pinalad na makaranas kalinga at makita ang kanyang ina. Sa kasawiang palad, namatay ito sa pagluwal sa kanya.
Bukod pa dito, ang araw ng mga puso ay araw ng kanyang kaarawan at kamatayan ng kanyang ina. Kaya naman hindi rin siya sinuklian ng pagmamahal ng ama dahil isinisisi sa kanya ang natatanging babae na kanyang minahal.
Ganun pa man, kinukop si Lulu ng kanyang lolo at lola sa edad na 3 taong gulang. Iniwan siya ng kanyang ama sa kanila at sumama ito sa bago niyang kinakasama na nagdadalang tao noong panahon na iyon. Doon niya naranasan ang pagmamahal na parang may magulang. Kaya naman ang tawag niya sa kanila ay Mamsi at Papsi.
Lumipas ang panahon na hindi na niya muling nakita ang ama simula ng huli nilang pagkikita. Kaya noong graduation nito sa highschool at makakatanggap ito ng honor sa eskuwelahan ay namatay sa aksidente si Papsi. Sakit at galit ang naramdaman niya noong araw na iyon.
Upang itago ang sakit at lungkot sa kanyang Mamsi, pumunta ito sa isang puno malapit sa ilog at doon inilabas ang kanyang nararamdaman.
"Lahat na lang kukunin mo? Wala kana bang ititira sa akin? Ha?", hagulgol nito.
"Ako. Ako hindi mawawala sa'yo.", sambit ng isang boses ng binata sa likod nya.