10 parts Ongoing Started: 25/01/29
Palagi akong nananaginip ng tubig. Minsan, tahimik itong dumadaloy, minsan naman ay parang nilalamon ako ng alon. Hindi ko alam kung bakit, pero alam kong may ibig sabihin ito.
Akala ko, simpleng office worker lang ako-isang ordinaryong tao na may tahimik na buhay. Hanggang sa dumating si Kallisto. Matangkad, may presensiyang hindi mo basta-basta matatalikuran, at may mga matang tila alam ang lahat ng hindi ko pa nauunawaan.
"Isa kang diyosa. Ang markang nasa kamay mo ang palatandaan na ikaw na ngayon ang bagong tagapangalaga ng Neptaras Crest."
Akala ko, nagbibiro lang siya. Pero nang ipakita niya sa akin ang isang marka sa aking pulso-isang tattoo na hindi ko namalayang mayroon ako-alam kong hindi ito basta panaginip lang. 'Neptaras Crest' Iyon daw ang tawag dito. Simbolo ng isang kapalarang hindi ko matatakasan.
Nagsimula akong makaranas ng hindi pangkaraniwang bagay-ang tubig ay gumagalaw sa bawat emosyon ko, ang lamig ay lumulukob sa paligid kapag nalulungkot ako. Hindi ko alam kung paano ko ito makokontrol. At bago ko pa ito matutunan, dumating ang pinakamatinding unos.
Ang lungsod ay lumulubog sa baha. Ang ulan ay hindi tumitila, ang tubig ay patuloy na pumapatay. Alam kong ako lang ang makapipigil dito. Ginamit ko ang kapangyarihan ko para isalba ang lahat.
Pero hindi ko alam na may kapalit iyon.
Nararamdaman kong unti-unti akong naglalaho. Nawawala ang katawan ko-nagiging bahagi ako ng tubig. Hindi ko man lang napagtanto na ang pagsagip ko sa iba ang magiging dahilan ng pagkawala ko.
Ngunit bago pa ako tuluyang maglaho, isang desisyong hindi inaasahan ang ginawa ni Kallisto-isang sakripisyong nagbago ng lahat.
Sa mundong puno ng misteryo at hindi maipaliwanag na kapalaran, isang tanong ang naiwan: Hanggang saan ang kaya kong ibigay para sa kaligtasan ng iba?
At higit sa lahat... hanggang saan ang kayang isakripisyo ng isang taong hindi ko alam kung dapat bang pagkatiwalaan-pero hindi ko na rin kayang mawala?