Sa takdang panahon, lalabas ang isang tinta sa kutis mo na katulad ng sa taong nakatakda para sa iyo. Tadhana rin ang magdidikta kung kailan kayo magtatagpo. Ngunit baka hindi mo na kailangang hanapin ang matagal nang nasa tabi mo. Napagtanto iyon ni Mavy nang una niyang makita ang salitang nakabatik sa kanyang balikat: ang mga salitang unang binanggit sa kanya ni Aiden. Kung siya lang ang papipiliin ay wala siyang kahit na anong bagay na ikukubli kung si Aiden ang usapan. Pero sa mundong kanilang ginagalawan, bakit parang kailangan nilang magtago para maging malaya?