Ang Daan.
Mahina ako sa daan. Madalas pa nga, nalilito ako sa kaliwa't kanan. Naguguluhan ako kapag may dalawang ruta na dapat pagpilian. Siguro, dahil namulat ako sa paniniwalang 'kung maligaw man, marami namang matututunan.'
Alam ko, hindi naman maiiwasang magkamali - sa pagpili, sa pagsugal, sa mga desisyong akala natin sa una ay biyaya ng langit. Marami tayong hindi kontrolado sa mundo. Sa isang iglap, maraming p'wedeng magbago.
Mahina ako sa daan. Pero hindi naman 'yung pagkaligaw ang malaki kong kinatatakutan. Hindi 'yung nasayang na oras, o iba pang oportunidad na lumagpas. Natatakot akong maligaw pati ang puso ko. Baka mawalan ito ng gana, manghina, kumupas ang pagkabata.
Ang positibong ako na malalim ang pangarap at pagtingin sa mundo, baka mapagod. Baka panghinaan ng loob. Dahil sa pagkaligaw marami naman daw akong matututunan, ngunit ang ikinatatakot ko, baka wala talaga 'kong patunguhan.--