Nagtagis ang mga bagang at kuyom ang mga kamo ni Troy. "May farewell party ngayong sa school. Niyaya kita kahapon. Alam mong wala akong partner. Tapos ngayon malalaman ko lang na sasama ka lang pa lang magmeryenda doon sa unggoy na iyon!" "Ah ganoon. Iyon lang pala ang ipinuputok ng butse mo, ha?" Inis na inis si Cheska. Sa galit ay nahawakan niya ang isang unan at mabilis na naibato sa lalaki. Tumama iyon sa mukha nito. Tumayo ito at humakbang palapit sa kanya. Napaatras si Cheska. Gagntihan ba siya ni Troy? " A-Anong gagawin mo?" nahihintakutang tanong niya. Hinawakan nito ang magkabila niyang balikat. Pero sa isang iglap ay biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha nito. Ang magkasalubong na mga kilay ay nawala. Hindi niya tuloy makntindihan ang nangyayari sa kanila ng kababata. At heto na naman ang pesteng puso niya. Titig pa lamang ay nagririgodon na ang kanyang heartbeat at halos takasan siya ng hininga. Iglap din ay wala na ang asar niya sa lalaki, at naiinis siya sa sarili. Sa aktong iyon ay sigurado siyang ni katiting ay wala pa ring nagbabago sa pagtingin niya rito. Ito pa rin ang mahal niya sa kabila ng pagpipilit makalimutan ito...