Sabi nila, kapag daw nakakita tayo ng isang shooting star sa kalangitan, maaari daw tayong humiling dito at posible itong matupad. Ngunit paano kung hihiling ka ng isang bagay na alam mo namang malabong matupad? Susugal ka pa rin ba? Dahil sa trabaho ng kaniyang ama ay nakagawian na ng binatang si Kevin ang magpalipat-lipat ng tirahan at pati na rin ang paaralan. Dahil din do'n ay nagpipigil siya na mapalapit ni kahit kanino man upang di siya gaanong masaktan sa oras na kinakailangan na naman niyang bumalik papuntang Maynila. Kaya nang kinailangan na naman nilang magtungo sa probinsya ng Bohol at doon manatili ng isang taon ay hinanda na ng binata ang kaniyang sarili. Mahiyain at tahimik, sinusubukan ni Kevin na hindi makihalubilo sa kahit sino man at nanatiling mag-isa sa isang makulimlim na gabi. Ngunit tila ba nagkaroon ng ningning ang madilim niyang kalangitan nang makilala niya si Bethany, isang masayahin at pala-kaibigang dalaga na tiyak ay kabaliktaran sa katangian niya. Ipinakita ni Bethany ang kagandahan ng kanilang lugar hanggang sa di na namalayan ng binata na unti-unti nang napapalapit ang kaniyang loob sa dalaga. Si Bethany ang naging gabay niyang liwanag-- ang kaniyang naging shooting star. Ngunit muling dumilim ang mundo ng binata nang malaman niyang kinailangan na nilang umuwi ng Maynila. matutupad kaya ang kaniyang kahilingan na manatili sa tabi ng dalaga?