Nanganganib ang buhay ni Marron. Saksi siya sa pagkamatay ng isang kongresista. Dahil doon ay kinailangan niyang magtago mula sa posibleng pagsalakay ng mga salarin na nakakilala sa kanya. On the rescue naman ang kanyang Yaya Caring. Ipinrisinta nito ang lugar ng kapatid sa Tondo. Doon nakilala ni Marron ang magiting na barangay chairman na si Heero. Kahit antipatiko at walang modo ang impresyong ibinigay nito sa kanya, mukha namang gustong-gusto at mahal na mahal ang binata ng mga nasasakupan nito. Pero mukhang ayaw ni Heero sa kanya at sa pagtigil niya roon. Ngunit walang choice si Marron. Ayon sa yaya niya, si Heero lamang ang maaaring makatulong sa kanya kaya kailangan niyang pakisamahan ito nang mabuti. At sa kabila ng iritasyon, hindi napigil ni Marron ang sariling humanga kay Heero. Ramdam na ramdam niya ang pagsikdo ng kanyang puso tuwing pagmamasdan siya ng deep-set na mga mata nito na tumatagos kung tumitig.