"Walang love para sa teen-agers! Di para sa inyo yun!" Isang statement ng kanyang tiyahing nagpalaki sa kanya habang ang kanyang mga magulang ay parehong nagtatrabaho bilang OFW. "Huh?" Napamulagat sya. Eh ano nga ba ang nararamdaman nya? Wala? Loko lang? So, ang love para lang sa mga matatanda? Napatingin sya sa kanyang tiyahin, naningkit ang mga mata. "O ba't ganyan ka makatingin?" May inis. May pinanghuhugutan. "So kelan darating ang love, Auntie?" Tanong nya. Nangalumbaba. Inosente. Katorse. Laking simbahan at miyembro sya ng church choir. Cathechesis every summer. Flores de Mayo. Pero may dayo kasi e. Gwapo. Gwapo talaga. "Kapag 25 ka na, saka mo na isipin yun." "Eh Auntie, 32 ka na diba? ano ang nangyari?" Nagulat sya nang tumayo ang kanyang tiyahin at mabilis syang nalapitan sa dining table mula sa sala. Nagulat sya. Napatili ng pingutin sa tenga. "Wala kang pakialam! At wala kang itatanong! Basta walang love para sa teenagers! Wala!" Naniwala sya. Wala nga. Wala.