POINT OF VIEW SERIES #3: "Ken is not Barbie's ideal man; he's a big mistake being personified."
Paano ba malalaman kung sino talaga ang nagugustuhan mo? Kapag ba guwapo, matangkad, singkit, maputi at lalaking-lalaki? Kapag ba maganda, katamtaman ang tangkad, bilugan ang mga mata, morena at mahaba ang buhok?
Para kay Mikeynito Bryl Flores at Abigail Romualdez, hindi lang ito palaging tungkol sa pisikal na kaanyuan; nakabatay ito sa kung ano ang hinahanap ng puso. Hindi rin ito palaging tungkol sa sino, dahil minsan, ang ninanais ng puso ay kapayapaan at pahinga.
Kaya nang matagpuan nila ang isa't isa, hindi nila inakalang magkakasundo sila.
Dahil noong una, hindi alam ni Abigail kung anong klase ng lalaki si Mikeynito. Akala niya, manloloko ang binata. Ang akala niya... wala siyang puso.
Sa kabilang banda, hindi rin alam ni Mikeynito na hindi pala sa lahat ng oras ay masama ang ugali ni Abigail. Teka---masama? Hindi rin niya alam noong una na may pinagdadaanan ang babae.
Ngunit isang araw, nang marinig nila ang tunay na nararamdaman ng isa't isa, tila nagbago ang ihip ng hangin.
Natagpuan ng lalaki ang sarili sa ilalim ng pagmamahal ni Abigail. Habang ang babae, hindi lubos maisip na isang araw, maririnig niya ang tibok ng puso ni Mikeynito kung kailan mas kilala na niya ito nang lubusan.