Prologue:
"Wala akong tiwala sa mga sekretarya."
Ito ang unang sinabi ni Xander Velasco noong una siyang makilala ni Isla Mariano.
Direkta. Malamig. Walang bahid ng emosyon.
Sa loob ng mundo ng negosyo, si Xander ay isang pangalan na may kasamang takot at paghanga. Sa edad na tatlumpu't dalawang taon, isa na siyang CEO ng Velasco Corporation, isang multi-billion company na may hawak sa industriya ng real estate, luxury brands, at finance. Kilala siya hindi lang sa kanyang matalas na isip at diskarte kundi pati na rin sa pagiging walang puso pagdating sa trabaho. Walang puwang ang kabiguan sa kanyang mundo, at lalo nang walang puwang ang emosyon.
Ngunit sa kabila ng kanyang malamig na personalidad, may mga usap-usapan tungkol sa kanya. Ang ilan ay totoo, ang ilan ay haka-haka lamang. Isa sa mga madalas marinig ni Isla bago siya pumasok sa kumpanya ay walang sekretaryang tumatagal kay Xander Velasco.
Hindi dahil sa hindi maganda ang sahod. Hindi rin dahil sa bigat ng trabaho.
Kundi dahil sa iba pang dahilan, isang dahilan na hindi nila masabi nang diretso.
Si Isla ay isang babaeng handang gawin ang lahat upang mapanatili ang kanyang trabaho. Hindi siya tulad ng iba na madaling sumuko. Ngunit sa unang araw pa lang niya bilang sekretarya ni Xander, naramdaman na niyang iba ang lalaking ito.
Ang kanyang boss ay hindi lang basta malamig, kundi tila isang lalaking may lihim na laro.
Isang laro kung saan maaaring siya ang susunod na biktima.
Ngunit may isang tanong na hindi niya kayang sagutin...
Handa ba siyang makipagsapalaran sa larong iyon?
........................